Hinihimok ni Vice President Leni Robredo ang administrasyong Duterte na na kilalanin ang ibinigay na amnestiya kay Senator Antonio Trillanes IV.
Sa isang statement, iginiit ni Robredo na agarang itigil ang pagsasayang ng pera at oras ng taumbayan sa mga alitang walang katuturan, at sa halip ay pagtuunan ng pansin ang mga pangangailangan ng sambayanang Pilipino.
Aniya, ang desisyon ng Palasyo na ideklarang void ang amnestiyang binigay kay Trillanes ay isang patunay na gagawin ng administrasyong ang lahat para patahimikin ang sinumang kumokontra rito.
Maliban pa rito, ani Robredo, ginagamit ito ng administrasyon upang ibaling ang atensyon ng publiko mula sa mga kakulungan nito sa pagtugon sa mga problemang pumipilay sa ating bayan gaya ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang shortage sa suplay ng bigas, ang paghina ng ekonomiya, ang kaliwa’t kanang alegasyon ng korapsyon, at maging ang lumalalang daloy ng trapiko.
Binigyang-diin pa ng VP na walang lugar ang pamumulitika sa panahong nahaharap ang karamihan ng ating mga kababayan sa malalalim na suliranin tulad ng gutom, kahirapan, at kakulangan ng trabaho.
Bilang mga hinalal na opisyal ng pamahalaan, ipinaalala ni Robredo na ipinagkatiwala sa kanila ang kapangyarihan para humanap na solusyon, at hindi para magsulong ng personal na interes.
Dagdag ng Bise Presidente, ang pag-atake kay Trillanes ay hindi lamang nagdudulot ng pagkakawatak-watak at kawalan ng pag-asa sa sambayanan, kundi tinatapakan nito ang mga mismong demokratikong proseso na nagpapatatag at nagpapalakas sa bayan.