Huwag daw umasa si Pangulong Rodrigo Duterte na basta-bastang mananahimik si Senador Antonio Trillanes IV, matapos bawiin ang amnestiya ng mambabatas.
Ito ang pagtitiyak ng Tindig Pilipinas, ang grupong pinamumunuan ni Trillanes.
Ayon sa kanila, nakakaawa si Duterte dahil hindi nito kayang harapin ng patas ang mga isyung ibinabato laban sa kanya ni Trillanes.
At dahil sa sobrang desperado raw ang presidente, pinili nitong ipakulong at patahimikn ang senador, ani pa ng Tindig Pilipinas.
Dagdag nila, kaduwagan ang ginawa laban kay Trillanes, habang nasa ibang bansa si Duterte.
Ayon sa Tindig Pilipinas kung maniniwala si Duterte na mananahimik ang oposisyon, nagkakamali raw siya.
Patuloy anilang babatikuin ang isang hindi demokratiko, kurap at palpak na gawain ng Duterte administration.
Nanawagan naman ang Tindig Pilipinas sa Senado na manindigan at depensahan si Trillanes, habang ang publiko ay marapat na labanan at manawagang itigil na ang kalokahan umano ng pangulo.