Nanindigan si Albay Representative Edcel Lagman na walang legal at factual basis ang ginawang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnesty na iginawad kay Senator Antonio Trillanes.
Ayon kay Lagman, walang revocation clause ang Proclamation No. 75 na inilabas ni dating Pangulong Noynoy Aquino na inaprubahan kapwa ng Kamara at Senado.
Paliwanag nito, dahil nangangailangan ng pagsang-ayon ng Kongreso ang paggagawad ng amnesty na itinatadhana ng Article VII Section 9 ng 1987 Constitution ang pagbawi nito kung pinapahintulutan ay kailangan ding sangayunan ng dalawang kapulungan.
Iginiit nito na ang amnesty na nagsasantabi sa mga dating nagawa ng isang indibidwal ay final, absolute, at irrevocable hindi tulad ng presidential conditional pardon.
Sinabi pa ni Lagman na ang kasalukuyang mga ginawa ng nabiyayaan ng amnestiya ay immaterial at hindi maaring gamitin laban sa nabigyan ng amnesty sa nakalipas na panahon.