Pinag-aaralan na ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV kung ano ang kasong posibleng isampa, kaugnay sa ginawang pag-revoke ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya ng mambabatas.
Ayon kay Atty. Ray Robles, legal counsel ni Trillanes, maaaring sa regional trial court, Court of Appeals, o Korte Suprema ihain ang kanilang kaso.
Giit ni Robles, mahigit isang dekada na ang nakalilipas mula nang madismiss ang kasong rebelyon at kudeta laban kay Trillanes.
Kung tutuusin din aniya ay “final and executory” ito, kaya bakit kailangang maglabas ng warrant of arrest laban sa senador.
Nilinaw din ni Robles na hindi maaaring gamitin ang court martial proceedings bilang basehan ng pag-aresto kay Trillanes, dahil resigned na siya nang maghain ng certificate of candidacy noong 2007.
Samantala, tumanggi si Robles na idetalye ang napag-usapan nina Trillanes at AFP Judge Advocate General Colonel Serme Legazpi Ayuyao.
Pero sa pagharap ni Trillanes sa media, muli niyang sinabing duwag si Pangulong Duterte dahil inilabas ang proklamasyon habang nasa Israel siya.