De Lima ikinagalit ang pagbawi ni Pangulong Duterte sa amnestiya ni Trillanes

Mariing kinokondena ni detained Senator Leila de Lima ang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya ni Senador Antonio Trillanes.

Sa statement ni de Lima, sinabi nito na “Ito ay mali, hindi makatwiran at walang basehan. Tunay na karimarimarim!”

Giit ni de Lima, tiyak na may mga rekord na magpapatunay na nag-apply para sa amnestiya si Trillanes, taliwas sa nakasaad sa Proclamation. 572 na inilabas ni Duterte.

May ulat din aniya ang media na noong Enero 2011 na nagsumite si Trillanes ng amnesty application at may pag-amin siya sa mga diumano’y pagkakamali nyang nagawa.

Ayon pa kay de Lima, hindi basta-bastang bawiin ni Duterte ang amnesty kay Trillanes, dahil ito ay joint act ng Kongreso at Ehekutibo, alinsunod sa isinasaad ng Konstitusyon.

Malaki ang paniniwala ni de Lima na political persecution ang hakbang ng administrasyon laban kay Trillanes, at malinaw na nais na patahimikin ang mambabatas.

Nagpapanic na aniya si Duterte na nasusukol na raw sa kanyang mga “kawalanghiyaan, kabuktutan, kasinungalingan at asal-diktador”

Dagdag ni de Lima, nakikita na rin ng marami ang kapalpakan at kawalang liderato ni Duterte sa maraming isyu gaya ng papataas pang presyo ng mga bilihin at krisis sa bigas at isda.

Sa bandang huli, ani de Lima, at mabibigo raw si Duterte sa nga balak nitong masama, wagwawakas din ang umano’y kasamaan nito at mananagot sa mga kasalanan.

Payo naman ni de Lima kay Trillanes at iba pang kasamahan sa oposisyon: “tatagan ang loob at laging manalig sa Diyos at sa bayan na matatapos din ang kadiliman at kawalang katarungan.”

Read more...