Arnold Padilla, inilipat na sa Camp Bagong Diwa

Dinala na sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Arnold Padilla na isang motoristang nag-viral matapos bugbugin ang isang barangay traffic enforcer noong nakalipas na buwan.

Ayon kay Police Superintendent Rogarth Campo, hepe ng Quezon City Police District – District Special Operations Unit (QCPD-DSOU), sandaling nabalam ang paglilipat kay Padilla sa Camp Bagong Diwa. Ayon kasi sa kanyang abogadong si Atty. Virgillo Batalla, muling tumaas ang blood pressure ni Padilla.

Hinintay pa aniyang tuluyang bumaba ang alta presyon ni Padilla bago ito tuluyang ibinyahe.

Ayon sa mga doktor ng Philippine National Police (PNP) General Hospital, bukod sa hypertension ni Padilla ay wala silang nakikitang ibang sakit nito.

Pagdating sa Camp Bagong Diwa ay muling pinatingnan si Padilla sa mga doktor upang matiyak na nasa maayos itong kalagayan.

August 24 nang salakayin ng pulisya ang bahay ni Padilla at kanyang apartment unit kung saan narekober ang ilang mga baril at dalawang granada.

Unang nagviral si Padilla at kanyang live-in partner matapos mahuli sa CCTV ang kanilang panghaharass at pambubugbog sa isang barangay traffic enforcer na humuli sa kanila dahil sa traffic violation.

Read more...