Ayon kay Calida, walang merito ang quo warranto petition na ihinain ni Elly Pamatong laban sa pangulo.
Batay kasi sa petition ni Pamatong, hindi qualified si Duterte na manungkulan bilang pinuno ng Pilipinas dahil hindi valid ang kanyang inihaing certificate of candidacy (COC) para sa nakaraang 2016 national elections.
Paliwanag ni pamatong, hindi pinapayagan sa batas ng bansa ang ginawa ng pangulo kung saan binawi nito ang kanyang COC para sa pagka-alkalde ng Davao City at pinalitan ito ng COC para sa pagka-pangulo.
Dagdag pa nito, late na nang ihain ni Duterte ang kanyang COC at hindi umano ito inaprubahan ng Commission on Elections (COMELEC) en banc.
Ngunit ayon kay Calida, isa lamang ‘nuisance petition’ ang paghahain ni Pamatong ng quo warranto petition laban kay Pangulong Duterte. Aniya, puro alegasyon lamang na walang katotohanan ang naging basehan nito sa pagsasampa ng petition.
Dagdag pa ni Calida, valid ang inihaing COC ni Duterte nang ito ay tumakbo noong 2016 national elections sa ilalim ng Resolution No. 10028 ng COMELEC.
Hindi rin aniya kaila na napakalaki ng lamang ni Pangulong Duterte sa kanyang contender noong 2016 na si dating Senador Mar Roxas, na nangangahulugang pinili ng mas nakararaming Pilipino si Duterte upang pamunuan ang bansa.