Muling dumulog sa Bureau of Immigration ang Australian missionary na si Sister Patricia Fox.
Kasama ang kanyang mga abogado, muling umapela si Sister Fox sa B.I na ma-renew ang kanyang missionary visa.
Ayon kay Atty. Jobert Pahilga, Hindi na muna nila itutuloy ang aplikasyon ni Sister Fox para sa tourist visa at sa halip ay naka-focus sila sa apela sa B.I na mapalawig pa ang missionary visa nito.
Sakali anyang maibasura ang kanilang apela, otomatikong downgraded sa tourist visa ang missionary visa ni Sister Fox.
Mamayang hapon, haharap sa isang dayalogo sina Sister Fox at ang kanyang mga abogado kay Justice Sec. Menardo Guevarra kasabay ng paghahain nito ng petition for review.
Kaninang umaga ay nagsumite na rin ang kampo ng Australian missionary ng kopya ng kanilang petition for review matapos ibasura ng ahensya ang kanilang motion for reconsideration.
Sa ngayon, sinabi ni Sister Fox na tuloy ang kanyang missionary works sa bansa at hindi pa rin nag-iimpake ng kanyang mga gamit.
Umaasa pa rin anya siya na magiging pabor sa kanya ang pinal na desisyon ng DOJ na manatili sa bansa bilang misyunaryo.
Nauna nang inaresto noong Abril ang 72-anyos na madre na halos tatlong dekada nang nanatili sa bansa bilang misyunaryo dahil sa umano’y paglahok nito sa ilang partisan political activities na bawal para sa isang dayuhan.