Makaraan ang ilang dekada, ititigil na ng China ang kanilang kontrobersyal na ‘One-child policy’.
Ayon sa Xinhua News Agency, napagkasunduan na ng ruling Communist party matapos ang apat na araw na pagpupulong sa Beijing na pahintulutan na ang mga mag-asawa na magkaroon ng hanggang dalawang anak.
Una nang nagpulong ang may 205 miyembro ng Central Committee ng Communist China na tinawag na ‘fifth plenum’ upang pag-aralan ang posibleng mga solusyon sa paghina ng ekonomiya ng bansa.
Isa sa mga sinisi sa pagbagal ng pag-unlad ng China ay ang pagliit ng workforce, gender imbalance at ang mabilis na pagtanda ng kanilang populasyon na isinisisi sa kanilang ‘one-child policy.’
Noong 1970s nag-umpisang sumigla ang ekonomiya ng China nang ipatupad ng ruling party ang ‘market economics’ at buksan ang kanilang bansa sa komersyo.
Bahagi ng naunang plano ay ang limitahan ang mga mag-asawa na magkaroon ng higit sa isang anak upang mapigilan ang overpopulation.
Gayunman, nitong mga nakalipas na taon, unti-unting bumagal ang pag-unlad ng China.
Sa ilalim ng ‘one-child policy’ maari lamang magkaroon ng isang anak ang isang mag-asawa.
Sakaling sumobra sa isa, papatawan ng malaking multa o di kaya ay iba pang uri ng parusa ang mga ito./ Jay Dones