Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang ginang habang nagbebenta ng mga pekeng pera sa Plaza Lacson, Binondo Maynila.
Nakilala ang suspek sa pamamagitan ng mga Identification card nito na si Radiya Paglalan Datugan, 30-anyos, tubong Maguindanao at kasalukuyang nakatira sa Baseco compound sa Tondo.
Kapwa iniharap sa media nina Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno ang suspek pati na ang mga pekeng salapi na umano’y ibenibenta nito.
Kabilang sa mga denominasyon na nakuha sa suspek at ang dalawamput’apat na piraso ng 200 peso bill, tig-isang piraso ng one thousand ay five hundred peso bill at pitung piraso ng 50 peso bill.
Sa kabuuan ay 6,650 pesos na halaga ng pekeng salapi ang nakumpiska Kay Datugan.
Nabatid kay Sr.Insp.John Wendell Siarez ng Binondo PCP na naaktuhan nila ang suspek habang nagbebenta ng counterfeit money.
Pinag-iingat naman ni Erap ang publiko sa pagtanggap ng pera lalot halos walang pinagkaiba ang mga nakumpiskang peke sa orihinal na salapi.
Maari din aniyang gamitin ang mga iyon sa pamimili ng boto ngayong panahon ng eleksiyon.
Binalaan naman ni Vice Mayor Isko Moreno ang mga sindikato na nagsasagawa ng ganuong modus na wala sila puwang sa Lungsod ng Maynila.
Kasalukuyan nang hawak ng mga otoridad ang suspek at inihahanda ang kaukulang kasong isasampa Laban sa kanya.