Patay ang isang security officer ng New Bilibid Prison (NBP) matapos itong pagbabarilin sa kahabaan ng NBP Road malapit sa Sunken Garden ng New Bilibid Prison Reservation na sakop ng Barangay Poblacion sa Muntinlupa City.
Kinilala ang biktima na si Inspector Romel Reyes, 41 taong gulang. Nagtatrabaho si Reyes sa Bureau of Correction (BuCor) – Bureau of Reservation Security Service,
Ayon sa mga otoridad, alas-4:05 ng hapon nang pagbabarilin ang biktima ng hindi pa nakikilalang salarin na nakasuot ng puting helmet at sakat ng isang asul na motorsiklo.
Patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa pamamaslang.
Sa ngayon ay kumakalap na ang pulisya ng mga CCTV footage sa lugar upang makilala ang suspek.