Si Justice Secretary Menardo Guevarra ang pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang caretaker ng bansa habang umaarangkada ang kanyang state visits sa Israel at Jordan ngayong linggo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, buo ang tiwala ng presidente sa kalihim na pamunuan ang pang-araw-araw na operasyon ng administrasyon at ng buong Executive department.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pinili si Guevarra na maging officer-in-charge habang wala ang pangulo.
Kadalasan kasing si Executive Secretary Salvador Medialdea ang OIC sa tuwing may state visit ang pangulo ngunit ngayon ay kasama ito sa delegasyon ni Duterte sa kanyang pagbisita sa Israel at Jordan.
Nang tanungin kung bakit hindi si Vice President Leni Robredo ang ginawang OIC, sinabi ni Roque na karapatan ng pangulong pumili kung sino ang kanyang gustong humalali sa kanyang pwesto habang nasa abroad.
Iginiit pa ni Roque na papalit lang ang bise presidente sakaling mamatay ang pangulo o mapatalsik sa pwesto batay sa Konstitusyon.
Hindi anya ibig sabihin na umalis ang presidente ay awtomatikong si Robredo ang OIC.
Anya, nakadepende ang pagpili sa tiwala at kumpyansa ng pangulo.
Nakarating na sa Israel ang pangulo kaninang madaling araw at tutungo namang Jordan mula September 5 hanggang 8.