Prison hallucination!
Ito ang naging buwelta ng Palasyo ng Malacañan sa akusasyon ni Senador Leila de Lima na balak ni Pangulong Rodrigo Duterte na patalsikin sa pwesto si Vice President Leni Robredo at hayaan si dating Senador Bongbong Marcos na pumalit sa kanya kapag bumaba na siya sa puwesto bilang pangulo ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, malinaw na nakasalalay sa Supreme Court na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) at hindi sa kamay ng pangulo ang kapalaran ni Robredo na ngayon ay nahaharap sa election protest na inihain ni Marcos bunsod ng kwestyunableng resulta ng vice presidential elections noong 2016.
“Prison hallucination. Fate of VP hangs with SC (Supreme Court) and not the President,” ani Roque.
Sinabi pa ni Roque na walang kinalaman ang pangulo sa pagpapasya sa kaso nina Robredo at Marcos.
Si de Lima ay nakapiit ngayon sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City dahil sa pagkakasangkot sa kaso ng iligal na droga.