Sinopla ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ni Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol na gawing ligal ang smuggling ng bigas.
Sa departure statement ng pangulo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bago ang kanyang official visit sa Israel at Jordan, sinabi ng pangulo na magdudulot lamang ito ng kaguluhan sa bansa.
Sinabi pa ng pangulo na magiging mapanira rin sa ekonomiya ang panukala ni Piñol.
Paliwanag ng pangulo, wala kasing makokolektang buwis ang gobyerno mula sa mga smuggled na bigas.
Isa sa mga pinag-aaralan ng pangulo ay imapahagi na lamang nang libre ang mga nakukumpiskang smuggled na bigas o hindi kaya ay ibenta sa pinakamababang halaga depende sa presyo sa merkado.
Sinabi pa ng pangulo, na mas makabubuting mag-import na lamang ng bigas at magpalugi kaysa gawing ligal ang smuggling ng bigas.