Aplikasyon para sa Associate Justice position binuksan na ng JBC

Binuksan na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang aplikasyon para sa posisyon ng Associate Justice sa Korte Suprema na nabakante kasunod ng pagkakahirang kay Chief Justice Teresita De Castro bilang bagong pinuno ng Hudikatura.

Sa anunsyo na pirmado ni Supreme Court Clerk of Court at JBC Ex-Officio Secretary Edgar Aricheta, itinakda ang deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon hanggang October 1, 2018, ganap na alas-4:30 ng hapon.

Mahigpit ang abiso ng JBC na dapat kumpleto ang mga documentary requirement ng lahat ng mga aplikante.

“[A]ll incomplete applications and/or out of date documentary requirements and those submitted beyond the deadline shall not be given due course,” babala ng JBC.

Nakatakda ring buksan ng JBC sa mga susunod na araw ang aplikasyon para sa isa pang bakanteng pwesto sa Korte Suprema bunsod naman ng pagkakahirang kay dating Associate Justice Samuel Martires bilang Ombudsman.

Samantala, inanunsyo naman ng Supreme Court Employees Association (SCEA) na bilang pag-welcome kay De Castro bilang mahistrado, naglunsad sila ng “Blue Monday” kung saan ang mga empleyado ng Korte Suprema ay magsusuot ng kulay asul sa pagdalo nila sa flag ceremony bukas.

Ito raw ay bilang simbolo na kanilang ikinalulugod ang pagkakatalaga kay De Castro bilang ina ng Hudikatura.

Read more...