Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin na sa puwesto si Agriculture Secretary Manny Piñol at iba pang opisyal ng National Food Authority (NFA).
Ito ay kahit na sunud-sunod na ang panawagan ng ilang mga mambabatas na magbitiw na si Piñol at ang mga opisyal ng NFA dahil sa kabiguan na tugunan ang lumalalang krisis sa suplay ng bigas sa bansa.
Sa departure speech ng pangulo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bago tumulak patungong Israel at Jordan, sinabi nito na lahat ng opisyal ng gobyerno ay may mga batas na sinusunod.
Nagkamali pa ang pangulo sa pagsambit sa pangalan ni Piñol dahil sinabi nito na hindi na niya kailangan na sibakin si Bello o si Labor Secretry Silvestre Bello III dahil tatakbo raw itong senador pagsapit ng buwan ng Oktubre.
Sa buwan ng Oktubre itinakda ng Commission on Elections (COMELEC) ang filing ng mga kakandidatong senador para sa 2019 midterm elections.
Sinabi pa ng pangulo na walang dahilan para sibakin si Piñol dahil wala naman daw siyang nakikitang serious offense o seryosong pagkakasala ang kalihim.