Pansamantalang isasara sa mga motorista ang dalawang lane ng Tripa de Gallina Bridge sa Gil Puyat Avenue dahil sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang reconstruction sa tulay.
Dahil dito, hindi na muna madaraanan ang dalawang inner lanes ng tulay habang mananatili namang bukas sa mga motorista ang dalawang outer lane ng tulay.
Ayon kay DPWH National Capital Region (NCR) Director Melvin Navarro, P25 milyon ang inilaan para mapalitan ang southbound lane ng Tripa de Gallina bridge na isa sa mga tinukoy na mahinang istruktura ng DPWH Bridge Management System (BMS) Inventory.
Nabatid na 50 taon na mula nang maitayo ang tulay na dumanas na ng maraming bitak.
Paliwanag ng opisyal, target nilang matapos ang unang bahagi ng tulay sa April 2019.
Sa oras umano na matapos ang proyekto, inaasahang kakayanin ng tulay ang hanggang magnitude 8 na lakas ng lindol.