TNVS drivers, operators nanawagang ibalik ang P2.00/minute charge

Inquirer file photo

Humigit-kumulang sa 200 TNVS drivers at operators ang lumahok sa motorcade na kanilang tinawag na ‘Juan Journey,’ Linggo ng umaga.

Ito ay ginawa para ipanawagan ng TNVS community sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik na ang P2.00 per minute charge sa pasahe.

Ganap na 8:00 ng umaga, umarangkada ang motorcade sa bahagi ng Sgt. Esguerra sa Quezon City at saka dumaan sa tanggapan ng LTFRB sa East Avenue kung saan sila sabayang bumusina.

Bahagya namang nagdulot ng trapiko ang mahabang motorcade ng TNVS na nagtipon pa sa Quezon Memorial Circle.

Ang mga kotse ay may kanya-kanyang itim na lobo at bandila na nagpapakita ng sitwasyon ng kanilang komumidad sa ngayon.

Kanilang panawagan, tugunan sa lalong madaling panahon ang mga isyu at problema ng TNVS community.

Noong Abril, ipinag-utos ng regulatory agency sa transport network company (TNC) na Grab Philippines na suspendihin ang ipinatupad na travel time charge dahil hindi ito aprubado ng board.

Ito rin ang rason kung bakit napatawan ng P10 milyong multa ang Grab at ipinapasauli sa kanilang mga pasahero ang umano’y sobrang kinita sa pamamagitan ng rebate system.

Maliban sa Grab, inaakusahan at may hiwalay din na reklamo laban sa bagong accredit na Hype Transport Systems Incorporated dahil sa umano’y pagpapataw ng iligal na singil.

Read more...