Bunsod ng sobra-sobrang kahihiyahan, kailangan na umanong magkaroon ng malawakang balasahan sa mga tauhan at opisyal ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Ayon kay Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, dapat magpatupad ng top to bottom revamp sa NAIA para maisalba ang imahe ng bansa.
Dismayado si Nograles na nababalewala ang mga nagawa ng Administrasyong Aquino sa paglaban sa katiwalian nang dahil lamang sa palpak na mga pasilidad at pasaway na mga tauhan.
Punto pa ng kongresista, ang kaso ng OFW na si Gloria Ortinez, na pinaniniwalaang biktima ng tanim-bala, ay nagpapakita lamang ng pagsisinungaling at pagiging insensitive ng mga tauhan at opisyal ng airport.
Ang higit aniyang nakagagalit ay sinubukan pang i-justify ng mismong hepe ng Aviation Security Office ang kanilang kapalpakan.
Dagdag pa ng kongresista, ang paulit ulit na insidente at reklamo ay patunay nang pag-iral ng culture of impunity sa NAIA mula sa pasaway na porters, Office for Transporation Security personnel at Airport Police na nagsasabwatan para makapambiktima at makapangikil ng mga pasahero.