BOC nanindigan na walang droga sa mga siniyasat na magnetic lifters

Inquirer photo

Nilinaw ng isang opisyal ng Bureau of Customs na walang shabu na nakita sa mga naipresintang larawan ng X-ray scan result sa apat na magnetic lifters na sinasabing naglalaman ng iligal na droga na nakalusot sa BOC.

Ang nasabing mga larawan ay isinumite sa House Committee on Dangerous Drugs na nagsagawa ng imbestigasyon sa sinasabing P6.8 Billion na shabu shipment.

Ipinaliwanag ng opisyal na tumangging isapubliko ang pangalan dahil sa kanyang sensitibong posisyon sa pamahalaan na mali ang ipinipilit ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Direrector General Aaron Aquino na positibo sa droga ang nasabing mga magnetic lifters.

Nauna nang sinabi ni Aquino na inupuan ng kanilang drug-sniffing dog ang nasabing mga magnetic lifters kaya malaki ang kanyang paniniwala na pinaglagyan ito ng iligal na droga.

Sa pagdinig ng Kamara ay napansin rin ni Marikina City Rep. Miro Quimbo ang tila ay kulay brown na kulay sa bahagi ng magnetic lifters at indikasyon umano ito na mayroon itong droga.

Ang hawak na larawan ni Quimbo ay galing sa kanyang source at iba ito sa black and white X-ray scan picture na ipinakita ng BOC sa nasabing pagdinig.

Ikinatwiran pa ng customs official na hindi pwedeng magkamali ang kanilang X-ray inspector na sumailalim pa sa training ng Nuctech na siyang supplier ng mga X-ray machines na gamit ng BOC.

Sinabi naman ng BOC X-ray expert na si John Mar Morales na ang kulay brown na nakikita ni Quimbo ay ispasyo lamang sa pagitan ng itim at puting kulay na nilikha ng X-ray scan.

Hindi rin umano otorisado ang pagpupuslit ng anumang larawan ng mga kargamentong dumadaan sa X-ray machines ng Customs.

Sinabi pa ng mga opisyal ng BOC na nakahanda sila sakaling ipatawag ang mga opisyal ng Nuctech para magpaliwanag kaugnay sa resulta ng mga isinagawang X-ray scan.

Nilinaw pa ng BOC na dapat ang PDEA ang magpaliwanag kung bakit nila sinabi na may laman na droga ang mga inimbestigahang magnetic lifters.

Read more...