LPA nagpapaulan sa malaking bahagi ng Luzon at buong Visayas

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) sa loob ng bansa.

Ayon sa 4am weather advisory ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 200 kilometro Hilaga-Hilagang Silangan ng Borongan, Eastern Samar.

Dahil sa trough o buntot ng LPA, ngayong araw ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region at buong Visayas.

Ang Northern Luzon naman at buong Mindanao ay makararanas ng maalinsangang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Samantala, ang bagyo naman na may international name na ‘Jebi’ sa labas ng bansa ay patuloy pa ring binabantayan ng weather bureau.

Huling namataan ang bagyo sa layong 1,945 kilometro Silangan ng Northern Luzon.

Sa ngayon ay hindi ito inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) o tatama sa kalupaan ng bansa.

Sa September Climate Outlook ng PAGASA, inaasahang dalawa hanggang tatlong bagyo ang papasok sa bansa at karaniwang makakaapekto sa buong Luzon at ilang bahagi ng Visayas.

Read more...