Inflation ngayong Agosto, inaasahang papalo sa 5.9% ayon sa BSP

Posibleng pumalo sa 5.9 percent ang inflation rate para sa buwan ng Agosto ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ayon sa pahayag ng Department of Economic Research ng central bank, nasa 5.5 hanggang 6.2 percent ang range ng inflation sa nakalipas na buwan.

Mas mataas ang pagtaya sa buwan ng Agosto kumpara sa 5.7 percent na naitala noong Hulyo na pinakamataas na inflation rate sa loob ng limang taon.

Iginiit ng BSP na ang pagtaas sa presyo ng bigas at ilang pangunahing pagkain dahil sa sama ng panahon, pagkakaantala ng suplay, pagtaas ng presyo ng gasolina, LPG, at kuryente ay nagbunsod ng pagsipa ng price pressures noong Agosto.

Gayunman, ang mas mababang presyo naman ng diesel at gaas at bahagyang paglakas ng piso ay maaaring magpahupa sa price pressures ayon sa BSP.

Ang opisyal na inflation rate para sa Agosto ay ilalabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa Miyerkules, Setyembre 5.

Read more...