Sa isang pastoral statement, sinabi ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles na lalong lumalala ang nararamdamang sakit at pagkahiya ng mga lider ng Simbahan dahil sa rebelasyon ng mga pang-aabuso lalo na sa mga kabataan.
Ang ibinunyag anya ng isang dating Apostolic Nuncio tungkol sa sexual misconduct at kung paano ito tinutugunan ng kasalukuyang liderato ng Simbahan ay nagbunga ng mas maraming tanong na kailangang sagutin upang maihayag ang katotohanan.
Binalikan din ng CBCP ang July 2018 Statement kung saan iginiit na ang Simbahang Katolika ay simbahan ng mga makasalanang tinawag upang magbago at mamuhay sa kabanalan.
Dahil sa krisis na kinahaharap ng Simbahan, hinikayat ng CBCP ang mga Diyosesis, Parokya at religious communities na manalangin at mag-ayuno bilang tugon na rin sa panawagan ni Pope Francis.
Sa pamamagitan anya ng panalangin ay makabubuo ng mga aksyon na naaayon sa sinasabi ng Mabuting Balita.