Hindi susuko si Sister Patricia Fox at mga abogado nito sa paglaban sa deportation order ng Bureau of Immigration.
Sa isang press briefing ay sinabi ng mga abogado ng madre na hihilingin nila sa Department of Justice o DOJ na i-review ang kautusan.
Ito ay matapos pagtibayin ng Immigration Bureau ang pagpapa-deport sa Australyanong misyonaryo.
Ayon kay Atty. Jobert Pahilga, maghahain sila ng petition for review sa DOJ sa Lunes (September 3).
Dagdag ni Atty. Maria Sol Taule, kung kailangan ay maghahain sila ng temporary restraining order o TRO para mapigilan ang implementasyon ng utos.
Wala aniyang masabi ang BI sa missionary work ni Sister Fox sa kanilang argumento laban sa deportation bagkus ay pinili ang isang administrative order bilang dahilan.
Pinadedeport ang madre dahil “undesirable alien” umano ito bunsod ng kanyang mga aktibidad na inaakusahang may halong pulitika.
Ibinasura ng BI ang motion for reconsideration ng Australyanong madre dahil wala raw bagong isyu na nangangailangan ng reversal ng kanilang deportation order.
Noong Hunyo ay binaligtad ng DOJ ang forfeiture ng immigration sa missionary visa ng sitenta’y uno anyos na madre.
Una nang sinabi ni Sister Fox na gusto niyang ituloy ang kanyang missionary work sa bansa kabilang ang pagtulong sa mga mahihirap.