Tinawag ni Atty. Barry Gutierrez na kasinungalingan ang mga paratang ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang brother-in-law ni Vice President Leni Robredo ang nagdala ng illegal drug trade sa Bicol.
Sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng 49th Charter Day ng Mandaue City, sinabi ni Duterte na ang brother-in-law ng bise presidente ang nagdala ng iligal na droga sa Bicol at nanindigan anya siya ng hotbed ng shabu ang Naga.
Sa isang tweet sinabi ni Gutierrez na imbes na magbato ng mga paulit-ulit na kasinungalingan ang pangulo kay Robredo ay imbestigahan na lamang nito ang P6.8 bilyong pisong shabu shipment sa Cavite at ipaaresto ang drug lord na si Peter Lim.
Bukod dito ay dapat anyang pagtrabahuin na lang ni Duterte ang kanyang mga PNP generals kaysa isama sa Israel.
Hamon ito ng abogado ni Robredo upang patunayan na seryoso ang presidente sa kanyang giyera kontra droga.
Kahapon ay nanindigan ang Philippine Drug Enforcement Agency sa unang pahayag na maaaring naglalaman ng shabu ang magnetic lifters na natagpuan sa GMA, Cavite.