Mga kasunduan na lalagdaan sa pagitan ng Pilipinas, Israel at Jordan kasado na – DFA

Inilatag na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga kasunduan na nakatakdang selyuhan ng Pilipinas, Israel at Jordan.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella na kabilang sa mga lalagdaan ng Pilipinas at Israel ay ang mga kasunduan sa labor agreement, science and agriculture, investment at two-way trade expansion.

Nakatakdang bumisita si Pangulong Duterte sa Israel sa Sept. 2 hanggang 5.

Inaasahang mabubuksan din ang usapin sa biyahe ng pangulo sa Israel ang tungkol sa labis na paniningil ng placement fee sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nag-aaply ng trabaho sa Israel.

Samantala, sa pagbisita naman ng pangulo sa Jordan sa Sept. 5 hanggang 8, inaasahan namang mapag-uusapan ang kapakanan ng mga domestic helpers doon.

Ayon kay Abella, isang memorandum of understanding ang inaasahang seselyuhan sa pagitan ng Pilipinas at Jordan para masiguro na maayos ang pagtrato sa mga manggagawa roon.

Hindi rin mawawala ang defense cooperation gayundin ang MOU sa two-way trade and investment ng dalawang bansa.

Nabatid na ang pagbisita ng pangulo sa Jordan ay ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na may presidenteng magtutungo doon.

Read more...