Sinabi ni Trade Undersecretary for Consumer Protection Group Ruth Castelo nakipagpulong na sila sa 235 manufacturers ng mga bilihin na kabilang sa expanded suggested retail price.
Aniya umapela sila sa mga negosyante na isipin muna ang kapakanan ng mamamayan at huwag munang magtaas muli ng presyo ng kanilang mga produkto.
Ngunit nilinaw ng opisyal na hihintayin pa nila na ilagay sa kasulatan ng mga manufacturers ang kanilang pangako na ‘3-month price freeze.’
Niliwanag din ng opisyal na ang gagawin ay hindi moratorium dahil aniya sa ilalim ng Price Act ay walang kapangyarihan ang gobyerno na pigilan ang pagtataas ng presyo.
At kung sila ang tatanungin, ayon pa kay Castelo, gugustuhin nila na maging epektibo ang price freeze hanggang sa unang tatlong buwan ng 2019.
Banggit pa nito, ang nangako na sa kanila ay ang mga gumagawa ng kape, noodles, sabon, patis, suka at toyo.
Una nang sinabi ng DTI na 40 porsiyento ng mga nasa listahan ng may SRP ay tumaas na ang presyo lalo na ang mga de-lata.