Isasara ang Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City mula ngayong araw ng August 30 hanggang bukas, Biyernes, August 31.
Sa statement ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco, ang pansamantalang pagsasara ng simbahan ay bunsod ng isang insidente na nangyari noong August 25.
Dakong alas-11 ng umaga nang may isang lalaki na wala umano sa tamang pag-iisip ang pumasok sa katedral at nilapastangan ang tabernakulo at Blessed Sacrament.
Tinangkang pigilan ang lalaki, subalit nagmatigas ang suspek na gustong kunin ang krus sa altar.
Nakapasok ang lalaki sa tabernakulo at kinain ang mga ostiya, habang ang iba ay inapakan pa.
Rumesponde ang mga tanod, at dinala ang lalaki sa istasyon ng pulis. Sumailalim na rin ang lalaki sa medical examination sa ospital.
Dahil dito, sasailalim ang Cathedral community sa “penance and reparation” at ang lahat ng religious activities sa Immaculate Conception Cathedral ay pansamantalang isasagawa sa lower chapel.
Hinimok din ni Ongtioco na manalangin at mag-ayuno sa mga nabanggit na petsa.
Muli namang magbubukas ang katedral sa araw ng Sabado o September 1.