Nakansela ang biyahe ng isang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) na papuntang Maynila dahil sa problema sa makina.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Davao Manager Agnes Udang, pa-take off na sana ang PR Flight 2814 nang biglang pumutok ang kanang bahagi ng makina nito.
Ito ay dahil sa bird strike o pagtama ng ibon sa makina ng eroplano bandang ala-1:00 ng hapon.
Ayon kay Udang, ligtas na nakabalik sa terminal ang eroplano at walang nasaktang pasahero.
Agad ding tinugunan ng airline personnel ang pangangailangan ng mga apektadong pasahero.
Iginiit naman ng CAAP official na walang naapektuhang ibang flights dahil sa insidente.
Sa isang Facebook post, inilarawan ng isang pasahero na nakilalang si Christine Dompor, isang tourism officer ng Compostela Valley na ‘scary’ o nakakatakot ang nangyari.
Naging mabilisan umano ang pag-brake sa eroplano dahilan para sila ay dumulas paharap at isa pa sa kanyang mga kasamahan ang natanggal ang seatbelt at nalaglag sa upuan.
Gayunman, kinumpirma naman ni Dompor na ligtas lahat silang mga pasahero.