Nakatakdang makapulong ni Pangulong Rodrigo Duterte si King Abdullah II ng Jordan sa kanyang pagbisita sa naturang bansa sa September 5 hanggang 8.
Ito ang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) at sinabing ang pagbisita ng pangulo ay magpapatatag lalo sa ugnayan ng Pilipinas sa naturang bansa.
Ayon sa DFA, ang magiging pulong sa pagitan nina Duterte at King Abdullah II ay magpapalawig sa kooperasyon ng dalawang bansa sa ilang mga isyu tulad ng kapayapaan at pag-unlad.
Si King Abdullah ang pinsan ni United Nations High Commissioner for Human Rights Zeid Ra’ad Al Hussein na makailang beses na binanatan ni Pangulong Duterte dahil sa kritisismo nito sa giyera kontra droga ng administrasyon.
Nagbanta pa ang pangulo na mumurahin si Zeid kapag hindi tinupad ng Jordan ang pangakong attack helicopters sa Pilipinas.
Ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Jordan ay magaganap pagkatapos ng kanyang state visit sa Israel sa September 2 hanggang 5.
Nakatakda ring makapulong ng presidente ang Filipino Community sa Jordan.