Iaapela ni Sister Patricia Fox ang desisyon ng Bureau of Immigration na nagbabasura sa Motion for Reconsideration na kanyang inihain para sa deportation order laban sa kanya.
Ito ang sinabi sa isang panayam ng abogado ng madre na si Atty. Soul Taule at sinabing mayroon silang 10 araw para umapela pagkatanggap ng desisyon.
Inaasahan anyang sa susunod na linggo sila magsusumite ng apela sa Department of Justice.
Matatandaang nagdesisyon ang BI na palayasin si Sr. Fox at ilagay sa blacklist ng ahensya para hindi makabalik sa bansa.
Noong June 18 ay pinagbigyan ng DOJ ang petition for review ni Sr. Fox dahilan para maibalik ang kanyang missionary visa.
Ang deportation order laban sa madre ay ipinag-uutos dahil sa umano’y paglabag nito sa mga kondisyon ng kanyang missionary visa partikular sa pagdalo sa mga rally laban sa gobyerno.