Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaaring mas marami pang pagsabog ang naganap sa Mindanao kung hindi nagdeklara ng Martial Law sa rehiyon.
Ayon kay AFP Public Affairs Chief Colonel Noel Detoyato, napigilan ang ilang tangkang pagpapasok dahil sa maraming checkpoints na ipinatupad dahil sa martial law.
Ani Detoyato, baka naging mas malala pa ang sitwasyon kung wala ang Batas Militar.
Ito ang pahayag ng opisyal matapos ang pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat na ikinasawi ng 2 katao at ikinasugat ng higit 30 iba pa.
Dagdag pa niya, bago ang pagsabog sa Isulan ay may dalawang beses na tangkang pagpapasabog ng improvise explosive device din ang napigilan sa lugar dahil sa intelligence reports.
Kaya rin anya nasa lugar ang hanay ng militar ay dahil sa natanggap nilang intel report.
Samantala, sinabi ni Detoyato na posibleng ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasa likod ng pagpapasabog sa Isulan batay sa ilang pattern at sirkumstansya.