Mananatili o walang pagtaas sa presyo ng mga de lata sa susunod na mga buwan.
Ito ay matapos pagbigyan ng mga manufacturers ang pakiusap ng Department of Trade and Industry (DTI) na ipako ang presyo ng ilang pangunahing bilihin kabilang ang mga de lata sa loob ng 3 buwan.
Ayon sa Philippine Association of Meat Processors (PAMPI), hindi nila gagalawin ang presyo ng kanilang mga produkto hanggang Nobyembre.
Pero ito ay sa kundisyon na walang bagong polisiya ang gobyerno na pwedeng makadagdag sa kanilang gastos sa produksyon.
Gayunman, sinabi ni PAMPI Executive Director Francisco Buencamino na nakaambang tumaas ang presyo ng mga de lata sa Disyembre o pagsapit ng holiday season.
Samantala, tiniyak din ng Canned Sardines Association of the Philippines na wala silang paggalaw sa presyo sa loob ng 3 buwan.
Ayon sa presidente ng grupo na si Marvin Lim, makalipas ang 3 buwan ay malalaman ang magiging palitan ng piso at presyo ng raw materials na kanilang ginagamit sa paggawa ng sardinas.