Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ginagawa naman ng gobyerno ang lahat ng pamamaraan upang bumaba ang halaga ng mga bilihin lalo na ang presyo ng galunggong, manok at baboy.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang ay ang pag-aangkat ng mga produkto na magreresulta sa pagdami ng suplay na kalaunan ay magreresulta aniya sa pagbaba ng presyo.
“Ang mangyayari po ngayon ay hahayaan lang nating dumami ang suplay para bumaba ang presyo. Kaya nga po nag-aangkat na tayo ng galunggong, nag-aangkat din tayo ng baboy, at tinanggal na po natin ang special safeguard measures para sa manok. At ang ating gagawin po kapag dinamihan natin ang suplay, dahil sa suplay and demand ay bababa po ang presyo ng bilihin,” ayon kay Roque.
Dagdag pa ni Roque, ang presyo ng produktong petrolyo ang pangunahing dahilan kaya nagtaasan ang presyo ng mga bilihin.
Tuluy-tuloy naman aniya ang hakbang ng pamahalaan para kahit papaano ayo maibsan ang hirap na naidudulot ng mataas na presyo ng mga produkto sa mga mamayahan,
“well meron pong SRP ngayon, ibinalik natin ang SRP sa mga manok, inaasahan nga po natin na hindi lang sa masusunod ang SRP, kundi pati ang SRP na iyan ay pwede nating ibaba. Hindi po natutulog sa pansitan ang ating gobyerno, gumagawa po tayo ng mga paraan para maibaba ang presyo ng bilihin, nagsimula po iyan sa pagtaas ng presyo ng krudo, konektado po iyan lahat. Nakikita nyo naman ginagamit natin ang kapangyarihan ng ating gobyerno para gawan ng paraan at maibsan ang paghihirap ng ating taumbayan,” dagdag pa ni Roque.