Dalawa ang patay habang hindi bababa sa 30 ang sugatan sa pagsabog ng hinihinalang improvised explosive device (IED) sa Isulan, Sultan Kudarat, Martes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Lenie Ombrog, 52-anyos, at Davy Shane Alayon, 7-anyos.
Sinabi ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, isang salarin ang tinutugis ng mga sundalo nang biglang sumabog ang IED dakopng alas 9:15 ng gabi hindi kalayuan sa munisipyo.
Naganap ang pagsabog sa kasagsagan ng pagdiriwang ng ika-7 Hamungaya Festival sa Isulan.
Sinabi ni Sobejana na may nakapagbigay na ng impormasyon sa mga otoridad na may iniwang bag sa lugar. At habang nagsasagawa ng follow up operation ay sumabog na ang bomba.
Nakataas na ngayon ang red alert status sa buong rehiyon ng Soccksargen matapos ang insidente.