1 patay, 36 sugatan sa pagsabog sa Sultan Kudarat

Red Cross Photo

Napuno ng takot ang dapat sana ay masayang pagdiriwang ng Humungaya festival sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat matapos bulabugin ng pagsabog kagabi.

Dahil sa nasabing pambobomba ay nasawi ang isang tao na sa ngayon ay hindi pa inilalabas ang pangalan, habang sugatan naman ang 36 katao. Kabilang dito ang dalawang sundalo mula sa 1st Mechanized Brigade.

Ayon kay Sultan Kudarat Provincial Police chief, Senior Superintendent Noel Kinazo, alas-8:34 ng gabi nang maganap ang pagsabog sa pamamagitan ng isang improvised explosive device (IED) sa Barangay Kalawag Tres.

Hinala ni Captain Arvin Encinas ng 6th Division ng Philippine Army, ang mga sundalo ang target ng pagpapasabog. Ito ay dahil pumutok ang IED nang dumaan ang isang truck na sakay ang mga sundalo.

Sa ngayon ay wala pang umaako sa nasabing pagpapasabog.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa insidente.

Read more...