Inihain ang isang resolusyon sa Mababang Kapulungan na layong paimbestigahan ang sinasabing uri ng diskriminasyong naranasan ng impersonator na si Jervi Li o mas kilala bilang ‘KaladKaren Davila’.
Ito ay matapos hindi papasukin sa isang bar sa Makati City si Kaladkaren at ang kanyang grupo dahil sa kanilang kasarian.
Sa kanyang inihaing House Resolution 2094, nais ni Bataan Representative Geraldine Roman na imbestigahan ng Committee on Women and Gender Inequality ang insidente.
Ayon kay Roman, ang malisyosong hindi pagpapapasok kay KaladKaren at kanyang mga kaibigan dahil sa pagiging ‘bakla’ ay isang malaking ‘insulto’ sa lahat ng miyembro ng LGBT community na kasalukuyan nang nakararanas na ng diskriminasyon ng lipunan.
Iginiit ng mambabatas na bagama’t pinapayagan ang mga establisyimento na magpatupad ng kanilang sariling mga polisiya, hindi dapat ito taliwas sa itinatakda ng Konstitusyon.
Ipinapakita lamang umano ng insidente ang matinding diskriminasyon na kinahaharap ng mga Pinoy transgenders hindi lamang sa mga restaurants at bars kundi maging sa edukasyon, trabaho at social services.