Pagbibigay ng dagdag na kita sa LGUs ipinamamadali ni Mandanas

Hiniling ni Batangas Governor Hermilando Mandanas sa Supreme Court na ilagay na sa “Entry of Finality Of Judgement” ang kasong kanyang napalunan sa Mataas na Hukuman na magdadagdag sa Internal Revenue Allotment(IRA) ng Local Government Units.

Layunin ng petisyon ni Mandanas ay para maisama na ng national government sa 2019 budget ang desisyon ng Korte Suprema ang pagkakaloob ng karagdagang pondo o IRA sa mga LGU na kukunin mula sa kabuuan ng mga buwis na nakolekta ng national government.

Kasabay nito ay sumulat na rin si Mandanas kay Pangulong Rodrigo Duterte para ipagbigay-alam ang naging pasya ng Korte Suprema na aniya’y magpapabilis at titiyak sa implementasyon ng mga proyekto at programa ng gobyerno kabilang na ang pagkakaloob ng basic services sa mamamayan.

Bilang pangunahing petitioner sa kaso at Chairman ng Regional Development Councils sa Luzon, hiniling din ni Mandanas sa Department Of Budget and Management na mabilis na ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema.

Sa panayam ng mga mamamahayag, inihalimbawa ni Mandanas ang pagpapatayo ng mga Baranggay Health Centers na sa kasalukuyang sistema ay ang Department of Health pa rin ang nangangasiwa.

Kung isasakatuparan aniya ang desisyon ng Mataas na hukuman sa kanyang kaso ay ang mga lokal na pamahalaan na ang magpapatupad nito.

Dahil dito, maliban sa mapabibilis na ang pagpapatupad ng proyekto ay maiiwasan din ang korapsiyon sa pamahalaan.

Sinabi ng gobernador na madaragdagan ng 50 porsiyento ang IRA ng mga lokal na pamahalaan para sa 2019 proposed budget na P640.6 Billion dahil isasama na sa kwenta ang kita ng national government sa Bureau of Customs, taripa at customs duties.

Read more...