Drug suspek napatay sa Davao City; pamilya arestado

Nasawi ang isang lalaking suspek sa pagtutulak ng iligal na droga matapos manlaban sa mga otoridad sa Barangay Lizada Proper, Toril, Davao City.

Kinilala ang suspek na si Rojay Lucerna, alyas Bogart; habang arestado naman sa ikinasang buy bust operation ang kanyang asawa at bayaw.

Ayon sa hepe ng Sasa Police Station na si Chief Inspector Reuben Libera, matagal na nilang binabantayan ang operasyon ni Lucerna.

Upang mapagtakpan ang ginagawang pagbebenta ng iligal na droga ay ginagamit nitong front ang pagtitinda ng tinging gasolina.

Kadalasan umano ay mga driver ang parokyano ng suspek.

Matapos ang transaksyon at aktong aarestuhin na ng pulisya ang suspek ay bumunot umano ito ng baril at pinaputukan ang mga otoridad. Gumanti ng putok ang mga pulis at nauwi sa engkwentro ang operasyon na nagresulta sa pagkamatay ni Lucerna.

Dinala pa ito sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Narekober mula kay Lucerna ang hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P50,000, mga drug paraphernalia, at isang kalibre 38 baril.

Giit ng asawa ng suspek, tanging ang mister lamang ang gumagamit at nagtutulak ng droga. Katunayan pa aniya ay nagtatalo sila nito kapag gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Gayumpaman ay mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act og 2002. /Justinne Punsalang

EXCERPT: Giit ng asawa ng suspek, tanging ang mister lamang ang gumagamit at nagtutulak ng droga.

Read more...