Senadora Grace Poe, nangakong tutulungan ang mga jeepney driver

Sinabi ni Senadora Grace Poe na nagmula ang kanyang kagustuhan na tulungan ang mga jeepney driver sa pamamagitan ng ginawang pelikula ng kanyang yumaong ama na si Fernando Poe Jr.

Sa talumpati ng senadora sa kanyang pagdalo sa Transport Unity Summit kahapon, sinabi ni Poe na bagaman acting lamang ang ginawang pagganap ni FPJ bilang jeepney driver sa kanyang mga pelikula ay nananatiling napapanahon ang mga ito dahil tinatalakay nito ang mga problemang kinakaharap ng maralitang Pilipino.

Dagdag pa ni Poe, iisa lamang ang palaging mensahe sa mga pelikula ng kanyang ama, at ito ang pagkakaroon ng hustisya para sa bawat isa.

Kaya naman bilang chairman ng Senate committee on public service, nangako si Poe na tutulungan niya ang mga jeepney driver na nahihirapan at nangangamba dahil sa public utility vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan.

Isinusulong ng senadora na dapat taasan ng pamahalaan ang ayudang ibibigay sa mga driver na maaari nilang gamitin upang makabili ng mga modernong jeep.

Paglilinaw ni Poe, hindi niya tinututulan ang modernization program ng gobyerno, ngunit dapat ay gawan pa rin ng paraan upang mapanatili ng mga driver ang kanilang pangunahing hanapbuhay.

Read more...