Libing sa magkakapatid na patay sa sunog sa Maynila sasagutin ng Malacañang

Radyo Inquirer

Binigyang tulong ng Malacañang ang pamilya ng limang magkakapatid na namatay sa sunog sa Pritil sa Tondo Maynila.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga arson investigators, iniwan umano ng mga magulang ang anim na magkakapatid sa loob ng kanilang bahay sa kanto ng Laperal at Herbosa street sa Tondo.

Sinasabing naka-lock ang nasabing bahay nang sumiklab ang sunog pasado alas-nueve ng umaga kanina.

Namasada ng tricycle ang kanilang ama samantalang namamasukan naman ang ina ng mga biktima.

Sa anim na magkakapatid ay isa lang ang nakaligtas makaraan siyang tumalon sa kanilang bintina.

Susunod sanang tumalon sa bintana mula sa nasusunog na bahay ang kuya ng mga biktima pero nagpasya itong samahan ang kanyang mga nakababatang kapatid.

Ayon kay Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, sasagutin na ng kanyang tabggapan ang pagpapalibing sa limang nasawi.

Bukod dito sasagutin na rin aniya ng kanyang tanggapan ang pagpapa-ospital sa mga nasugatan sa sunog.

Tiniyak rin ni Go na aayudahan nila ang pamilya Gemeniano hanggang sa maka-recover ang mga ito sa pagkawala ng lima nilang mga anak.

Samantala, nanawagan si Go sa Bureau of Fire Protection na pag-igtingin ang information at awareness campaign kaugnay sa ibayong pag-iingat para makaiwas sa mga sunog.

Read more...