Arestado ng mga ahente ng Bureau of Immigration ang limang Chinese national na wanted sa China dahil sa economic crimes.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nadakip ang mga suspek na sina Yin Lei, Zhang Xianle, Chen Di, Chen Manping, at Pan Jia Wei sa Angeles City, Pampanga.
Mismong ang Chinese Embassy sa Maynila ang nagtimbre sa kanila sa kaso ng Chinese fugitives.
Napagalaman na kinansela na rin ng Chinese government ang pasaporte ng naarestong mga Chinese national.
Ang mga suspek ay pansamantalang nakakulong sa detention facility ng Bureau of Immigration sa Camp Bagong Diwa, Taguig City at isinasailalim na sa proseso ng deportasyon.
Nauna nang sinabi ni Morente na mabilis ang kanilang pag-tugon sa paghuli sa mga wanted na dayuhan sa bansa basta’t nakikiisa ang mga foreign officials sa kanilang tanggapan.