Iginit ng Smartmatic sa publiko na accurate at reliable ang kanilang sistema.
Ang pahayag na ito ng smartmatic ay inilabas ilang buwan bago ang May 19 midterm elections.
Ayon kay Smartmatic Philippines Country President Jane Coo, wasto at 100 porsyentong auditable ang kanilang sistema at kayang makahanap ng kahit anong inconsistency maging sa mga voting precincts.
Mayroon din anyang audit trails ang kanilang sistema na pwedeng gamitin ng stakeholders para i-validate ang accuracy ng resulta,
Tulad anya noong May 2016 elections na nag-imprenta ang vote-counting machines (VCMs) ng 2.7 milyong voting records, iginiit ni Coo na sa isinagawang audit ay lahat ng resulta ay totoo at sumasalamin sa naging boto ng mga Filipino.
Maging sa random manual audit na isinagawa ay sinabi ni Coo na nag-match ang electronic count match sa manual count ng 99.96 percent.
Ang mga audit na ito ay nagpapakita lamang umano na lehitimo ang resulta ng eleksyon.
Anya pa, hanggang sa ngayon ay wala pang kahit sino na nagpakita ng kahit anong election return na taliwas sa transmitted result dahil walang pandaraya na nangyari sa May 2016 elections.
Hinikayat ni Coo ang publiko na tuklasing mas maigi ang Smartmatic at maging ang mga matagumpay na election projects nito sa iba’t ibang mga bansa upang hindi malinlang ng mga malisyosong pahayag.