Iginiit ni Albay Representative Edcel lagman na hindi dapat ‘seniority’ kundi independence at ethical values ang naging pamantayan sa pagpili ng bagong Chief Justice ng Korte Suprema.
Ang pahayag ng mambabatas ay kasunod ng pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Teresita Leonardo – De Castro bilang magong punong mahistrado kapalit ng napatalsik na si Maria Lourdes Sereno.
Aminado si Lagman na ang haba ng serbisyo at seniority ay mga tradisyonal na pamantayan sa mga itinatalaga sa Hudikatura.
Gayunman, hindi dapat anya nito masapawan ang mga katangian tulad ng kalayaan sa pagdedesisyon at ethical values na kinakailangan ng mga mahistrado.
Naniniwala si Lagman na hindi dapat itinalaga si De Castro dahil sa naging papel nito sa pagpapatalsik kay Sereno.
Isa si Lagman sa mga mambabatas na nagsampa ng impeachment complaint laban kay De Castro at anim na iba pang mahistrado ng Korte Suprema dahil sa kanilang papel sa pagpapatalsik kay Sereno.
Sinabi ng mambabatas na ang isinampang impeachment complaint ay naging pamantayan dapat ng Judicial and Bar Council (JBC) upang idiskwalipika si De Castro.
Samantala, naniniwala din si Lagman na ang ingay ng kritisismo sa pagpili kay De Castro ay dapat maging dahilan upang pag-isipang muli ng pangulo at ng JBC ang nominasyon at pagtatalaga rito.