Habagat magpapaulan sa malaking bahagi ng Luzon – PAGASA

Walang sama ng panahong binabantayan ang PAGASA sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa kasalukuyan.

Gayunman, sa kanilang 4am advisory, sinabi ng weather bureau na patuloy na magpapaulan ang Habagat sa malaking bahagi ng Luzon.

Makararanas ng katamtaman hanggang sa malalakas na kalat-kalat na pag-uulan sa Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), Zambales at Bataan dahil sa Habagat.

Ang nalalabing bahagi naman ng Central Luzon at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley region ay makararanas ng maulap na kalangitan na mayroon ding kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dulot pa rin ng Habagat.

Ang nalalabing bahagi ng Luzon kabilang na ang Metro Manila, buong Visayas at Mindano ay makararanas ng maalinsangang panahon liban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Nakataas ang gale warning at mapanganib ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Babuyan Group of Islands, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Isabela at Aurora.

Pinapayuhan ang mga mangingisda na huwag pumalaot sa mga baybaying dagat sa nasabing mga lugar.

Read more...