Pagtatalaga kay De Castro bilang CJ, ‘fitting finale’ ng kanyang karera – Sec. Guevarra

‘Fitting finale.’

Ganito isinalarawan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagtatalaga kay Teresita Leonardo- De Castro bilang bagong punong mahistrado ng Korte Suprema.

Ani Guevarra, ang appointment na ito kay De Castro ay isang magandang panapos sa kanyang 45 taong paninilbihan sa Hudikatura.

Nagsimula ang panunungkulan ni De Castro sa Korte Suprema noon pang 1973.

Ikinatuwa naman ni dating Associate Justice at ngayo’y Ombudsman Samuel Martires ang appointment kay De Castro na anya’y dati niyang Presiding Judge sa Sandiganbayan.

Inilarawan niya ito na mabait na kaibigan, may takot sa Diyos, masipag, istrikto at nakapanig sa katotohanan.

Tototong nararapat anya para kay De Castro ang posisyon.

Samantala, binatikos naman nina Former Solicitor General Florin Hilbay at Congressman Gary Alejano ang pagpili ni Pangulong Rodrigo Duterte kay De Castro bilang Chief Justice.

Sa isang pahayag sinabi ni Hilbay na maaaring isipin ng mga tao na bayad-utang lamang ito ng pangulo kay De Castro sa pangunguna nito sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Iginiit naman ni Alejano na ang pagtatalaga kay De Castro ay bayad-utang lamang at nagpapakita ng kawalan ng delicadeza at pagiging garapal ng gobyerno.

Sinabi pa ng mambabatas na pabuya at pabaon lamang ng Palasyo ang pagpili sa bagong CJ dahil iba ang benipisyo ng pagreretiro bilang punong mahistrado.

Read more...