Ilocos Norte, isinailalim sa state of calamity

Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Ilocos Norte dahil sa nararanasang tuluy-tuloy na pag-uulan sa lugar.

Ito ay bunsod pa rin ng southwest monsoon o habagat na pinaigting ng Bagyong Luis.

Nagdesisyon na ang Sangguniang Panlalawigan dahil sa sunud-sunod na natatanggap na ulat sa lakas ng ulan, pagbabaha at pagsasara ng ilang kalsada nitong nagdaang linggo.

Dahil dito, maaari nang gamitin ng local government ng lalawigan ang nakahandang calamity fund.

Samantala, umabot na sa P111 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasirang pang-agrikultura at imprastratura sa lugar.

Mahigit 14,000 residente naman ang apektado sa pagbabaha at ulan sa lugar.

Inabisuhan na rin ang mga residente at turista na manatili sa kanilang tinutuluyan dahil sa sama ng panahon.

Maliban dito, pansamantala na ring isinara ang ilang kilalang pasilidad sa lugar tulad ng Kapurpurawan Rock Formation, Malacañang of the North, Marcos Presidential Center at iba pa.

Read more...