Ang nasabing isyu ay naging viral sa social media makaraang sabihin ni Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison na ang kulay ng mukha ng pangulo ay palatandaan na mayroon siyang malalang sakit.
Sa kanyang pagdalo sa 12th anniversary ng Eastern Mindanao Command sa Davao City ay natatawang sinabi ng pangulo na kumagat sa kanyang bitag si Sison.
Ayon sa pangulo, mayroon siyang nakausap na tao na alam niyang malapit kay Sison.
Napagkatuwaan umano niyang biruin ito sa pagsasabing mayroon siyang cancer at may problema na rin ang kanyang kidney kaya ganoon ang kulay ng kanyang mukha.
Alam umano niyang makakarating ito kay Sison at hindi nga siya nagkamali dahil makalipas lamang ang ilang araw ay inilabay na ito ng lider ng komunistang grupo sa kanyang Facebook account.
Nilinaw ng pangulo na kaya sunog ang kulay ng kanyang mukha ay dahil sa madalas niyang pagpunta sa kabundukan.
Lingid sa kaalaman ng publiko ay madalas umano siya sa sa mga lalawigan at iyun ang dahilan kaya ganoon ang kanyang kulay.
Sinabi rin ng pangulo na dapat ipaalam ni Sison sa publiko na siya ang may sakit at ilang beses na ring sumailalim sa operasyon dahil sa colon cancer at kumalat na raw ito sa kanyang bituka at pancreas.
Binanggit rin ni Duterte na mas alam niya ang sitwasyon sa mga kanayunan at kabundukan dahil nag-iikot siya sa mga ito ng madalas hindi katulad ni Sison na pinabayaan na ang kanyang mga kasamahan sa kagubatan.
Pinatutsadahan rin ng pangulo si Sison na mahina na ang communist group sa bansa dahil kahit isang barangay ay hindi na nila kayang pagharian pa.