Impeachment laban sa 7 SC justices mababasura lang ayon sa Malakanyang

Walang merito.

Ganito inilarawan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang impeachment complaint na isinampa ng mga opposition congressmen laban sa pitong mahistrado ng Korte Suprema bumoto para patalsikin sa puwesto si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Dahil dito, naniniwala si Roque na ibabasura lamang sa house committee on justice nasabing reklamo laban kina Justices Teresita Leonardo De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Andres Reyes Jr., Noel Tijam, Francis Jardeleza at Alexander Gesmundo.

Ang pito ang pumabor sa quo warranto petition na isinampa ng Office of the Solicitor General na kumuwestiyon sa kwalipikasyon ni Sereno para maging chief justice.

Wala ring makitang impeachable offense si Roque laban sa mga mahistrado ng SC na pumabor sa pagpapatalsik ni Sereno.

Sa reklamo ng mga kongresista na pinamumunuan ni Albay Rep. Edcel Lagman, iginiit nito na base sa Saligang Batas maaari lamang patalsikin ang isang impeachable official sa pamamagitan ng impeachment process.

Isa rin aniyang panghihimasok sa kapangyarihan ng Judicial and Bar Council ang ginawa ng mga mahistradong na una nang inihayag ang kanilang bias laban kay Sereno.

Read more...