Batay sa sulat ng nagpakilalang si Rhia Ceralde, tinututulan niya ang nominasyon bilang Supreme Court Chief Justice nina Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro, Lucas Bersamin, Diosdado Peralta at Andres Reyes Jr.
Ayon kay Ceralde, dapat madiskwalipika ang apat na mahistrado dahil sa pagboto nila sa quo warranto petition na nagpatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Dagdag ni Ceralde, ni-isa sa apat na Associate Justices ay hindi nagtataglay ng “integrity, probity and independence” na itinatakda ng Konstitusyon para sa pinaka-mataas na posisyon sa Hudikatura.
Binanggit din ng petitioner ang inihaing impeachment complaint laban kina De Castro, Bersamin, Peralta at Reyes sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ipinunto sa opposition to the nomination ang panuntunan ng Judicial and Bar Council o JBC na grounds for disqualification ang anumang administrative case o impeachment complaint laban sa sinumang aplikante.